Fundacion Montemadrid: La Casa Encendida
Kumusta na kayo?
Madrid, Spain
Artists : Chia Amisola. Leslie de Chavez. Kiri Dalena & Ben Brix. Czar Kristoff. MM Yu.
16 May to 26 July 2026
Matitingkad na pader, muwebles na yari sa kawayan, upuang plastik, mga larawan ng seremonya ng pagtatapos, mga ispiker, mga galon ng tubig, mga ikonograpiyang panrelihiyon: iilan lang ito sa mga larawang pumupuno sa mga unang pahina ng katalogo na nagpapakilala sa mambabasa ng samu’t saring imahen sa loob ng isang tahanang Pilipino. Bagama’t orihinal na tinipon ng artista na si Chia Amisola bilang isang reperensiyang magbibigay ng konteksto sa kanyang obra, ang mga larawang ito ay nagkaroon ng lawak habang nasa proseso ng pag-usad ang pagkukura at nagsilbi rin na batayan sa paghubog ng imahen at wika ng eksibiyon.
Ang hayag na pagkamapagpatuloy ng tahanan ay ang nagiging paunang lente ng pagkilala sa Pilipinas sa eksibisyon. Ito ay nakamit sa pamamagitan ng mga larawang nagbibigay sulyap sa mga puwersang bumabalangkas rito, tulad ng bigat at kahalagahan ng nukleyar na pamilya, debosyong pang-Katoliko at ang matagal na kasaysayan ng kultural na paghahalo sa isang bansang marahas na hinubog ng kolonyal na paghahari.
Ang Pilipinas ay isang kapuluan na binubuo ng pitong libo, anim na raan at apatnapu’t isa (7,641) na pulo at may populasyong higit sa isandaan at labindalawa punto pitong milyong (112.7 million) mamamayan. Sa loob ng isang malawak na teritoryong gaya nito, ang katutubong pamana at legasiya ng bawat rehiyon ay sabayang umiiral at nakahabi na sa katauhang nililok ng dantaong palitan, migrasyon at pagpapataw.
Ang konsepto ng “mestizo” o mestiso sa anyong Filipino nito ay isang puntong malinaw na nagbibigay ng mas malalim na paguunawa. Sa impormal na gamit ng Filipino, nananatili ang dalawang katawagang may bakas ng paghahalo ng lahi: Tisoy at Tsinoy. Ginagamit ang Tisoy sa pagtukoy sa mga Pilipinong may anyong Kastila o Puti; ang Tsinoy naman ay mula sa pinaghalong salita na Tsino at Pinoy, na tumutukoy sa mga Pilipinong may dugong Tsino. Ang mga ito ay kapwa historikal na karaniwang iniuugnay sa nakakataas na uri.
Ang Fujian ay isang probinsiya sa China na nagsilbing masiglang pugad ng rutang pangkalakalan na nagdugtong sa Tsina at Pilipinas bago pa man ang pagdating ng mga Kastila sa kalupaan. Ito ang lupang sinilangan ng mga ninuno ng malaking bahagi ng populasyong Pilipino (kabilang ang pambansang bayani na si Jose Rizal) at siya ring pinagmulan ng kasaysayang migratoryo na maiuugnay sa apelyido ng artistang si MM Yu.
Noong ika-27 ng Abril 1565, nakarating sa isla ng Cebu si Miguel López de Legazpi at nagtatag ng kauna-unahang misyong Romano Katoliko sa arkipelago, na siyang naging simula ng higit sa tatlong dantaong paghahari ng mga Kastila. Pagsapit ng 1898, kasunod ng Digmaang Espanyol-Amerikano, isinuko ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos, na siyang humawak sa soberanya ng bansa hanggang maiproklama ang kasarinlan nito noong ika-4 ng Hulyo 1946, hudyat ng pagtatapos ng higit kumulang apat na daang taong pananakop.
Labis na binago ng mahabang kolonyal na nakaraan ang mga estrukturang pampulitika, panlipunan at pangkultura ng Pilipinas. Isa sa mga pinalawig na legasiya ng kolonyalismo ay ang relihiyon: sa siyamnapu’t isa’t kalahating porsiyento (91.5%) Kristiyano at pitumpu’t siyam na porsyentong (79%) Katoliko, ang Pilipinas ay ang pinaka-Katolikong bansa sa Asya at moog ng ikatlong pinakamalaking populasyong Katoliko sa buong mundo na siyang direktang resulta ng ebanghelisasyon ng Espanya sa kapuluan.
Isang malalim na bakas rin ang iniwan ng mga panahong ito sa wika: sa makabagong Filipino, humigit-kumulang sa sangkatlo ng bokabolaryong ginagamit sa pang-araw-araw ay galing sa wikang Kastila: ilan sa halimbawa nito ang kutsara (cuchara), gwapo/a (guapo/a), bintana (ventana) at pamilya (familia). Hanggang ngayon, ang malaking mayorya ng mga apelyidong Pilipino ay may Kastilang pinagmulan, bunga ng atas noong 1849 kung saan ipinataw ng administrasyong Kastila ang sistematikong implementasyon ng Catálogo Alfabético de Apellidos, upang mapadali ang pamamahala ng konsensus at kontrol ng buwis at batas sa bansa. Maging ang mga pangalan ng mga distrito, lansangan, siyudad at lalawigan sa Pilipinas ay galing sa mga salitang Kastila.
Kasunod ng pananakop ng mga Amerikano, unti-unting pinalitan ng Ingles ang Kastila bilang opisyal na lengwahe ng edukasyon at pamahalaan. Pinagtibay ng Ingles ang katayuan nito sa lipunan nang ito’y naging pangunahing wika rin sa bansa kasama ng wikang Filipino. Gayunman, ang mayamang lingguwistikong lawas ng Pilipinas ay malawak: ang bansa ay mayroong isandaan at walupu’t apat (184) na buhay na wika, kung saan isandaan at pitumpu’t apat (174) dito ay katutubo.
Karamihan sa mga katutubo na gumagamit sa mga wikang ito ay naninirahan sa Mindanao at Hilagang Luzon. Bumubuo sila ng tinatayang sampung porsyento (10%) hanggang dalawampung porsyento (20%) ng populasyon at nahahati sa isandaan at sampung (110) pangkat-etniko. Ang rehiyon ng Cordillera sa kabundukan ng hilagang Luzon ay nanatili sa labas ng kontrol ng Espanya, na siyang naging dahilan ng pananatili ng kanilang kultura na naipamana sa mga sumusunod na salinlahi.
Napagtanto ko rin na kakaunti lamang ang alam ng mga Kastila tungkol sa Pilipinas.
- Kidlat Tahimik
Iyan ang kontekstong pinagmumulan ng artista at direktor na si Kidlat Tahimik. Kinikilalang ama ng “indie films” sa Pilipinas, ginawaran siya noong 2018 ng pinakamataas na artistikong parangal na Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng Pelikula. Siya ay ipinanganak noong 1942 sa Baguio, isang lungsod na dinisenyo ng pamahalaan ng Amerika noong nagsisimula pa lamang ang ika-dalawampung siglo upang magsilbing “summer capital” ng Pilipinas. Mula noon, ang Baguio ay naging isang bukal kung saan bumuo ang maraming artista ng kanila-kanilang mga kritikal na pananaw hinggil sa kasaysayan ng bansa sa kamay ng mga kolonya.
Ang pahayag ni Tahimik ay galing sa dokumentaryong BAG 6, sa direksyon nina Nona Garcia, Abbie SJ Lara at Kawayan de Guia, na mga residente rin ng lungsod. Ito ay itinanghal sa Art Fair Philippines 2022 at sa Ateneo Art Gallery sa Maynila bilang parte ng eksibisyon na pinamagatang Gongs. Smoke. Blood. Earth. (2025). Tampok rito ang mga istudyo ng anim na artistang tumulong sa paghubog ng komunidad ng sining sa Baguio mula pa noong dekada otsenta: kasama ni Tahimik ang kapwa Pambansang Alagad ng Sining na si Benedicto Cabrera (BenCab) at sina Katrin de Guia, Tommy Hafalla, Rene Aquitania at Willy Magtibay. Ang ilan sa kanila ay kabilang sa mga orihinal na nagtatag ng Baguio Arts Guild, isang kolektibong may malaking ambag sa pagkilala sa Baguio bilang isa sa mga pangunahing sentro ng makabagong sining Pilipino, sa loob at labas ng bansa.
Noong Oktubre 2021, pinasinayaan ng Palacio de Cristal sa Parque del Retiro sa Madrid ang isang eksibisyon ng mga obra ni Tahimik. Sa unang pagkakataon, isang artistang Pilipino ang nagpalabas ng kanyang obra sa isang gusaling itinayo kaugnay ng Exposición General de las Islas Filipinas noong 1887. Ang eksibisyon ni Tahimik ay pinamagatan niyang Magellan, Marilyn, Mickey y fray Dámaso: 500 años de conquistadores RockStar, isang mapangahas at kritikal na pagpuna at muling pagbasa sa kolonyal na kasaysayan ng Pilipinas. Nagsilbi rin itong imbitasyon ng pagninilay sa mga naging epekto ng kolonyalismo sa mga lokal na kultura ng Pilipinas sa nakaraang limang siglo.
Sa pamamagitan ng kanyang instalasyong eskultura, inilarawan ni Tahimik ang tatlong mahahalagang yugto ng kolonyalismo sa Pilipinas. Ang unang yugto ay nagpakita ng ekpedisyon ni Ferdinand Magellan at ang kanyang kamatayan sa isla ng Mactan sa kamay ni Lapu-Lapu, ang lokal na pinuno rito at isa sa mga unang simbolo ng ating paglaban kontra-kolonyalismo; ang tagumpay na ito ni Lapu-Lapu ay nangyari apatnapu’t apat na taon bago itatag ni Miguel López de Legazpi ang unang pamayanang Kastila sa kapuluan. Ikalawa, ang Exposición General de las Islas Filipinas noong 1887; kung saan ang mga Igorot—ang katutubong pangkat na kinabibilangan ni Tahimik—ay itinanghal bilang mga eksotikong nilalang. Ang huling yugto ay ang kasalukuyang banggaan ng mga kulturang iniaangkla sa paghaharap ng imperyalismong Amerikano at mga katutubong diyos at mito. Bagama’t nakaranas ng diskriminasyon and mga Igorot sa isang eksibisyon na itinuring sila obheto noong 1887, kanila itong isinalaysay ukol sa kanilang sariling naratibo noong 2021, sa loob mismo ng estrukturang naglatag sa kanila bilang naiiba.
Ang repleksyon ni Tahimik sa BAG 6 ay nakapaloob sa isang usapan patungkol sa kanyang karanasan sa Madrid at nilalagom ang pangunahing kabalintunaan ng Kumusta na kayo?: “Kaunti lang ang alam ng mga Kastila tungkol sa Pilipinas”. Hindi lang ito isang personal na obserbasyon, kundi isang sintomas ng hindi pantay na kasaysayan na sinusuri ng eksibisyon.
Sa Pilipinas, ang “Kumusta?” o “Kumusta po kayo?” ay hindi lamang isang pagbati, kundi isang pagmamalasakit. Nagbubukas ito ng espasyo para sa pakikipag-ugnayan, pagbabahagi, pakikinig, at pagkilala sa kapwa. Kapag may nagtanong ng “Kumusta na po kayo?”, sila ay nagpapahiwatig ng kaalaman sa paunang kalagayan ng kanilang kausap. Isa itong marahang paraan ng pag-uusisa kung paano na umusad ang mga bagay mula sa kanilang huling pag-uusap: kung nabago ba ang takbo ng buhay, nanatili sa dati, o pansamantalang napako.
- Leslie de Chavez
Sa ganitong sensibilidad binuo ang Kumusta po kayo? (isang magalang na pagsambit ng mga katagang “¿cómo están ustedes?”, o “kumusta ka”), na siyang pamagat ng eksibisyon na bunga ng pangkatang rebisyon. Sa pakikipagdiyalogo sa mga artista, sumailalim ang pamagat sa bahagya ngunit makabuluhang pagbabago: pagpapalit ng salitangpo sa salitang na. Sa wikang Filipino, and salitang po ay madalas ginagamit upang magpahiwatig ng paggalang at pagkilala sa hirarkiya ng edad, awtoridad o katayuang panlipunan, samantalang ang na ay nangangahulugan ng “ya” o “ahora” (ngayon) at nagdadalang diin sa kasalukuyan. Sa ganitong pag-uurirat sa wika, ang Kumusta na kayo? ay hindi lamang isang katanungan kundi isa ring paglalatag ng pagkakapantay-pantay.
Nakatuon sa kasalukuyang sandali ang Kumusta na kayo?, at ang tugong hinihingi nito ay maaaring marahan, hubad, at walang pagsasala at ligalig. Hindi ito gaya ng Kumusta po kayo? na humihiling ng isang tugong naaayon lamang sa mga inaasahang pamantayan ng lipunan.
- Czar Kristoff J.P.
Sa puntong ito, nagiging higit pa sa pagbati ang Kumusta na kayo?. Nagbibigay daan ito sa pagkakaroon ng diyalogo sa pagitan ng Pilipinas at Espanya na bumabaligtad sa historikal na direksyon ng kolonyal na naratibo. Ang katanungang ito ay hindi lamang naglalakbay galing Madrid patungong Maynila; sa halip, nagmula ito sa kapuluan at ipinoposisyon ang madla bilang mga tagapakinig.
Ang salitang Kumusta ay isang tuwirang ponetikong adaptasyon ng pariralang Espanyol na “cómo estás” (kumusta ka). Bagama’t halos hindi kapansin-pansin ang pagbabago sa tunog nito, nakapaloob pa rin dito ang dantaong ugnayang kolonyal, tulad ng karamihan sa mga Hispanismo na maririnig pa rin sa makabagong wikang Filipino. Ang kasalukuyang paggamit ng mga artistang Pilipino sa tanong na ito upang usigin ang Espanya sa pamamagitan ng isang eksibisyon sa Madrid ay maituturing na isang malinaw na pahayag ng kanilang mga layunin.
Pinagtipon ng eksibisyong ito ang mga gawa nina Chia Amisola, Kiri Dalena at Ben Brix, Leslie de Chavez, Czar Kristoff J.P. at MM Yu—mga artistang Pilipino at kolektibo na magpapakita ng kanilang obra sa Espanya sa kauna-unahang pagkakataon. Higit pa sa pagbibigay sulyap sa kontemporaryong sining Pilipino, sinusuri ng kanilang mga obra ang mga tiyak na yugto at pangyayari sa kasaysayan ng bansa. Nagsisilbing paanyaya rin ang mga ito sa isang masusing pagninilay sa pamana ng kolonyalismo, kolektibong alaala at pagbuo ng isang makabagong pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Kaakibat ng pagbabaliktad sa lohika ng pagpapalawak ng teritoryo, ang eksibisyon ay nagsasakonteksto ng isang sabayang kronolohikal at espasyal na paggalaw—mula sa nakaraan tungo sa makabago at mula sa teritoryal tungo sa personal. Sa loob ng balangkas na ito, ang mga konsepto ng tahanan, tanawin, katauhan at komunidad ay nagiging mga koordinadong nag-uugnay sa iba’t ibang anyo ng katatagan at paglaban sa pang-aapi na katuwang ng pamumuhay sa Pilipinas ngayon.
Kasabay ng paglalathala, sabayang pagkukulay, at sining sa internet, ang potograpiya at bidyo ang mga midyum na ginagamit ng marami sa mga artistang ito upang idokumento, tuklasin at muling bigyang-kahulugan ang lipunang Pilipino. Sa pamamagitan ng mga imahe, muling binubuhay ng kanilang mga obra ang mga dokumentong historikal, inaangkin ang mga kolonyal na arkibo, itinatala ang kapaligirang urbano, binibigyan ng panibagong kahulugan ang bernakular na arkitektura at sinasaklaw ang dijital na daigdig.
Ito ay hindi isang eksibisyon tungkol sa Pilipinas, kundi isang eksibisyon mula sa Pilipinas—gawa ng mga artistang nais igiit ang karapatang maipahayag ang sariling kwento ng kanilang kasaysayan. Alinsunod sa diwa nito, ang Kumusta na kayo? ay hindi humihingi ng kasagutan, bagkus isang masusing pagtuon.
Curatorial Notes by Alvaro Talavera
Official Text Translation by Chan Alvarez
Kakakompyuter mo Yan!
Chia Amisola’s solo presentation for Kumusta na kayo?
Artistic Direction by Alvaro Talavera & Chan Alvarez